Wednesday, January 12, 2011

Engkwentro sa Higher self

Engkwentro sa Higher Self

Dalawang linggo ko nang iniisip ang aking higher self, ang mataas at banal nabahagi ng ating sarili na pumapatnubay sa ating buhay at siyang nagtutustos sa atin ng lakas-buhay (Life energy) at mga inspirasyon sa araw-araw.

Ito ang konsepto na bago sa aking kaisipan na inihahayag ni Seth, isang espiritu na nakatira sa 5th dimension, ayon sa aklat na sinulat ni Jane Roberts noon g dekada sisenta. Ayon kay Jane Roberts, na nagisislbing daluyan o, channel ng personlidad na ito na galing sa ibang dimension, si Seth ay isang lalang na espiritu ay nabuhay ng maraming beses sa ibat-ibang kalagayan ng buhay sa universe, kabilang na dito ang pagiging tao noong panahon ng Maestro Hesukristo.

Ayon kay Seth, siya at ang kanyang mga kasamahan sa ika-limang dimension ay mga guro na namamahagi ng kaalaman sa mas mababang dimension kagaya ng ating daigdig na nasa ikatlong dimension. Upang mapataas ang kaalaman at antas ng diwa at makatulong sa ebolusyon ng kamalayan sa sansinukob.

Sa mga aklat na kanyang idinikta sa pamamagitan ni Jane Roberts, katulad ng "Seth Speak" at "The Nature of Personal Reality" ay maraming konsepto ang kanyang inilahad, karamihan dito ay bago sa aking pandinig nung mga panahong iyon.

Isa sa mga konsepto na kanyang inihayag na lubos na nakapukaw sa aking interest ay ang konsepto ng "Higher Self". Ayon kay Seth, isang maliit na bahagi ng Dios ang bumaba dito sa ikatlong dimension upang magkaroon ng karanasan dito sa lupa. Bagama't napakaliit nito at tilamsik lamang kumpara sa kanyang pinagmulan, napakalaki na nito para dito sa lupa, at hindi kayang ipaloob sa isang katawan lupa lamang (sa lakas ng enerhiya nito, sasabog at matutunaw ang katawang laman). Kaya naman ang maliit na bahaging ito ng Dios ay nagpababa din ng isang maliit aspeto ng kanyang sarili upang magkatawang tao dito sa lupa at magkaroon ng mga karanasan , ito ang ating kasalukuyang personalidad na naka-focus sa materyal na daigdig.

Ang unang bahagi ng Dios na bumaba sa ikatlong dimension ay ang Higher Self. At ang Higher Self naman ay nagpalabas din ng maliit na bahagi ng kanyang sarili at pinababa nya dito sa lupa . Ang maliit na bahaging ito ay ang lower Self. Ang lower Self ay isang atom ng Dios na nabalot ng katawang lupa at namumuhay ngayon bilang tao.

Ang Higher Self ay ang ating tunay na sarili, sapagkat ito ay galing mismo sa katawan ng Dios. Sya ay binubuo ng GOD matter kaya ang Higher Self ay banal at dalisay na Lakas -diwa (Pure Conscious energy). Tinataglay nito ang lahat ng katangian ng Dios Ama, kaya Sya ay makapangyarihan at nakakaalam ng kahat ng bagay.

Ang kasalukuyang personalidad ng bawat tao ayon kay Seth ay aspeto lamang ng kanyang ,mas mataas na sarili. At ang pagbabalik ng ating koneksyon sa ating Higher Self ang tanging paraan upang magamit natin ang mga katangiang ito sa ating pamumuhay ngayon dito sa kapatagang lupa.

Masyado akong na-curious sa konseptong ito dahil napakalaki pala ng ating potential bilang tao, at hindi natin nagagamit ito. Tama kung ganun ang mga scientist sa pagsasabi na sampung porsiyento lamang ng ating brain capacity ang ating nagagamit. At kung sa sampung porsiyentong iyan ay narating natin ang ating kasalukuyang teknolohiya, papano pa kaya kung magamit natin ang isang daang porsiyento ng kapasidad na ito? Malamang super human na ang mga tao dito sa mundo.

Halos dalawang linggo ko ding inisip-isip ito, at kung papano ako makaka-konekta sa aking Higher Self.

Isang gabi, habang naglalakad kami ng aking mga kasama sa choir galing sa simbahan at pauwi na sa aming mga bahay ay naghaharutan at nagkakatuwaan kami sa gilid ng kalsada katulad ng madlas na naming ginagawa tuwing Biyernes at Sabado ng gabi. Nagpa-praktis kasi kami ng kakantahin namin para sa misa sa linggo ng umaga.

Pero iba ang gabing iyon, habang nagbibiruan kami at nagtatawanan ay napansin kong kakaiba ang galaw ng isa kong kasamang lalake na kasabay naming naglalakad ngunit nasa kabilang banda ng kalsada, tila balisa siya at di mapakali. Panimnsan-minsan ay pinupukol nya ako ng matalim na sulyap. Sinasabayan naman siya ng isa ko pang kasamang lalake na tila nakikipag talo sa kanya at paminsan-minsan ay sumusulyap din sa akin.

Masaya ang mood ng grupo, habang kami ay naglalakad, subalit sa aking dibdib ay may nadama akong panganib. Pilit kong iwinawaksi ang damdamin iyon bagkus ay itinuon ko ang aking pansin sa dalawang babaeng kasama ko na nagtatawanan sa magkabila kong tabi. Wala naman kasi akong dapat na ipangamba dahil mga kaibigan ko naman silang lahat at wala naman akong alam na kaalitan sa kanila.

Sa sulok ng aking mga mata, ay nakita kong lumakad ng mabilis ang dalawang lalake at nagpati-una sila.

Samantala, may kotse kaming nakasalubong, kaya nagtabihan at nagsiksikan kami sa gilid ng kalsada. Dalawampung katao kami kaya nagtumpok ang grupo namin samagkabilang gilid ng kalsada na kanina lamang ay sakop namin pati gitna. Pagkaraan ng kotse ay nagsimula na uli kaming maglakad . Nasa gitna ako kaya maraming naglalakad sa harapan ko at ang iba naman ay nasa likuran.

Si Nilo, ang lalakeng kasama ko na kanina ay masama ang tingin sa akin. Sumalubong siya sa amin at sumiksik sa gitna ng mga tao kaya hindi ko napansin. Nagulat nalang ako nang mahawi ang dalawang nasa harapan ko at bumulaga sa akin ang mukha ni Nilo. Galit ito at nanlilisik ang mga mata. Walang sabi-sabing inundayan nya ako ng saksak. Naramdaman ko ang suntok at kalabog sa aking tiyan, subalit hindi ako nakakibo sa aking pagkakatayo sa labis na pagkabigla. Hindi ako nalapag-react.

Naramdaman ko na lamang ang pag-guhit ng hapdi sa loob ng aking tiyan ng hugutin nya ang patalim mula sa aking katawan. Nang mga sandaling iyon, tila tumigil ang pag-inog ng mundo. Bumagal ang pag-usad ng mga sandali. Nakita ko nalamang ang pagtilamsik ng aking dugo mula sa kanyang patalim ng ito ay kanyang hugutin palayo sa akin.

Shock na schock ako! Hindi ako makapaniwala.
"Nasaksak ako!" Sigaw ng aking isip. Nanlaming ang buo kong katawan.
"Ito na ba ang aking katapusan?" "Ayoko pang mamatay!" sigaw ko pa sa aking sarili.

Sa wari ko'y napakatagal ng tagpong iyon. Nag-slow motion ang lahat. Halos mga ugong lamang ang aking naririnig at hindi ko maunawaan kung ano ang sinsabi nila. Hanggang sa sumabog ito sa sigawan at tilian, kanya-kanyang takbuhan at nagkagulo na ang lahat. Bumilis na ang mga pangyayari.

Nakita ko si Nilo nakatayo sa harapan ko. Na nakaamba na naman ang patalim upang muling umunday ng saksak. Nakapako pa rin ako sa pagkakatayo at tila wala akong lakas para ikilos ang aking katawan.

Walang ano-ano'y may dumaklot sa aking damit at balikat, sabay hatak ng malakas. Sa tindi ng pagbatak sa akin ay napadpad ako sa kabilang dako ng kalsada na walang tao.

Sa gitna ng mga sigawan at tilian ay narinig ko ang utos sa akin kung sino man iyon. "Takbo! Dali, bilis, Takbo!" Sigaw ng tinig na nagmamadali. Kaya kahit kumikirot ang sugat sa aking sikmura ay tumakbo akong papalayo, habang sapo ko ang aking tiyan.

Hindi pa ako gaanong nakakalayo nang may kumapit sa aking balikat at biglang hinatak ito. Napa-ikot ako sa biglang paghatak na iyon at napaharap sa kanya, si Raul, ang kasama ni nilo kanina, namumula ang mga mata at nakamulagat sa akin.

"Tsug!". Naramdaman ko ang pagtulo ng mainit na dugo sa aking tagiliran. Nanlambot ang tuhod ko , nanlamig ang talampakan at nauupos akong parang kandila . Napaluhod ako sa lupa bago tuluyang bumagsak.

Sa aking pagkakahiga ay kitang-kita ko kung papaano pagtulungan ng ibang mga kasamahan ko sina Raul at Nilo. Subalit kapwa sila may patalim. Kaya unit-unting nababawasan ang mga lumulupig sa kanila, dahil mabangis ding lumalaban ang mga ito.

Sa tantiya ko, ilang sandali na lang ay makakawala na sila, kaya tinipon ko ang lahat ng natitira kong lakas at itinukod ko ang aking tuhod sa lupa at sumikad akong patayo. Pasubsob akong tumakbo, walang lingon-lingon.

Pagsapit ko sa isang kanto ay pumasok ako sa isang eskinita. Para akong lasing, pasuray-suray akong tumakbo sa pagitan ng mga kabahayan. Nanghihina na ako dahil sa mga dugong patuloy na tumatagas mula sa aking sugat. Bukod sa mahapdi at kumikirot pa ang mga ito. Pero kailangan kong makalayo. Paglabas ko sa eskinitang iyo ay mayroong malaking kalsada at sa kabila ay may nakaparadang pick-up truck na may bubong.

Naisip kong hindi na ako tatagal sa pagtakbo,kaya kailangang magtago nalang ako. Baka sakaling makaligtas pa ako. Sa pamamagitan ng natitira kong lakas ay sumampa ako sa likod ng pick-up truck na iyon at gumapang papasok sa loob. Sa kasamaang palad, ang saraduhan ng pick-up na iyon ay sa kalahating ibabang parte lamang ng likod ng pick-up. Kaya naiwang nakabukas ang kalahating itaas na bahagi ng likod nito.

"Dead end!" May panlulumo kong sambit sa sarili.
"Dito na ang katapusan ko" may panghihinayang na dugtong ko pa. Magsisimula na sana akong manalangin nang biglang manlaki ang aking mga mata at nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok. Si Nilo at si Raul, nakadungaw na sa akin sa likod ng pick-up.

"Dios ko po! Patawarin mo ako sa mga kasalanang nagawa ko sa buhay ko!" mataimtim kong dasal.

Panabay na sumampa ang dalawa sa magkabilang gilid ng pick-up. Nakasampa na ang tig-isang paa ng dalawa sa kalahating harang ng likod ng pick-up at hawak pa din ang tig-isang patalim sa kanilang mga kamay. Namumula ang kanilang mga mata habang naka-ngisi na parang mga demonyo, handang-handa nang pumatay ng tao.

Papikit na ako upang hintayin ang aking kamatayan, nang may makita akong isa pang pick-up truck na kagaya din nitong kinaroroonan namin. Ito ay marahang umatras na papalapit sa amin ang likuran. May takip na trapal ang buong likod nito pero may hiwa sa gitna pababa, at hindi makita ang loob.

Dahil nasa akin lahat nakatuon ang ang buong atensiyon ng dalawang kriminal na ito, hindi nila napapansin ang pick-up na ito na nasa likod na nila.Ngising demonyo ang dalawa na anyong lalapit na sa akin. Handa nang ibigay ang huling ulos sa katuparan ng kanilang krimen.

Maliwanag sa labas,kaya kitang-kita ko nang biglang bumukas ang trapal ng kabilang pick-up at lumabas doon ang isang tila higanteng lalake na maskulado ang katawan na parang si incredible Hulk, ang kaibahan lang ay guwapo at maamo ang mukha ng isang ito.

Agad inakbayan ng dambuhalang lalake ang dalawa sa tig-isang balikat habang siya ay nasa gitna nila. Mabilis nyang ipinulupot ang kanyang braso sa kanilang leeg at saka biglang hinigit iyon.

"Ahhh!!" Pasiyap kong sigaw sa labis na pagka shock. Dahil sa laki ng braso at lakas ng lalakeng ito, sa isang iglap ay naputol ang leeg ng dalawa at nahulog ang mga ulo nito sa loob ng pick-up truck. Ni hindi na nila nalaman akung ano ang nangyari sa kanila. Nagtalsikan sa aking mukha at damit ang kanilang mainit na dugo.

Pagkatapos niyon ay ngumiti sa akin ang mahiwagang lalake, habang nakatitig siya sa aking mata.

"Nakalimutan mo na ba?" Mahinahong tanung niya sa akin.
Niisip ko nga na parang kilala ko siya. Pakiramdam ko'y matagal ko na siyang kakilala at mayroon kaming kaunayan sa isat-isa, ngunit hindi ko iyon mahagilap sa aking memorya.

"Hindi ba sabi ko sa'yo, hindi kita pababayaan?" Paalalang sabi ng mahiwagang lalake habang nakangiti. Pagkuwa'y imalis na siya. Umalingaw-ngaw sa aking isip ang mga katagang iyon. Biglang may kumislap sa aking alaala, isang pagkakakilala… Pagkakakilalang malalim ang pinagmulan.

"Parang kilala ko nga siya" Pagpipilit kong maalala.
"Oo nga! Kilala ko siya!" " Siya ay Ako!" Excited na sabi ko .
"Siya ang higher Self ko!" sambit ko pa. Iyon lang at unti-unti nang nagdilim ang aking paligid.

Madilim pa rin sa aking paligid nang ako ay magdilat ng mga mata. Subalit wala na ang takot at pangamba sa aking puso sapagkat alam kong narito na ako sa kasalukuyang panahon. Panatag na ako, dama ko na ang lambot ng aking unan at kama. Umupo ako at nag-meditate. Nagpasalamat ako sa aking higher self sa kanyang pagpapakilala sa akin at sa pagpapa-alala sa akin ng kanyang pagsubaybay.

Tanging mga munting luha na lamang ang aking piping saksi sa aking taos pusong pasasalamat sa kanya.

No comments:

Post a Comment