Friday, January 7, 2011

Mga katanungan

Malinaw pa sa aking alaala ang simula ng lahat. Nang mabuksan ang aking isipan sa mga katanungan ng buhay.

Bata pa ako noon, siguro'y nasa dose o, onse anyos palamang ang aking edad. Panahon iyon ng simula ng martial law ni President Marcos. Ang lugar na kinalakihan ko ay sa Marulas Valenzuela, sakop pa ito ng bulacan noong panahong iyon. Ang hilig kong gawin ay ang tipikal na kinagigiliwang gawin ng mga binatilyo o, ordinaryong mga teenager, ang tumambay sa kanto.

Sa madaling salita ay wala akong iniisip na mahalagang bagay o, responsibilidad, mga ambisyon o, kahit na anomang hinaharap ay wala pa sa aking isip. Ang tanging iniisip ko lamang noong mga panahong iyon ay kung papano makakatakas sa mga gawaing bahay upang makapaglaro at makipag kwentuhan sa aking mga kaibigan.

Isang araw, habang ako'y naglalakad sa kalsadang lupa patungo sa tindahan ni aling Doray upang bumili ng mantika, dala ko sa aking kanang kamay ang bote ng ketsap na lalagyan ko, bigla akong napatigil sa paglalakad dahil pakiramdam ko'y bumukas ang langit sa aking ulunan at nagbagsakan ang mga katanungan na hindi ko maintindihan.

"Sino ako?" una kong tanong sa aking sarili.Na-realize ko noong mga sandaling iyon na hindi lamang ako isang pangalan, kundi ako'y isang diwang buhay na may pang-unawa. Isang espiritu o, anu paman na hindi ko lubos na maunawaan. Subalit wala akong malinaw na alaala ng aking pinanggalingan. Ni hindi ko matiyak kung ano talaga ako.

"Bakit ako naririto?" ikalawang tanong ko sa aking sarili. Yumuko ako at tiningnan ko ang aking katawan. Ito'y katawan ng isang batang paslit na tila salat sa kabuhayan sapagkat ito ay payat at ang suot na t-shirt na puti ay kupas na at maitim na sa kalumaan at ang short na kaki ay may mga punit na at madusing na rin sa tagal nang paggamit..

Sa kanang kamay ko ay may hawak akong bote ng ketsap na paglalagyan ko ng mantika na siyang bibilhin ko sa tindahan. Tumingin ako sa aking paligid na para bang ngayon lang ako nakarating sa lugar n ito, samantalang dito na ako lumaki. Naglalakad ako sa gitna ng kalsadang pataas na hindi pa sementado. Sa aking kaliwa ay may ilang maliliit na magkakasunod na bahay. May mga halamang bakod sa kanilang harapan at ilang maybong na puno ng santol sa tagiliran.

Sa aking kanan naman ay may basketball court na laruan naming mga kabataan at nang mga katandaan na rin dito sa aming lugar. Half-court lang ito, lupa at walang semento, pero maraming naglalaro dahil malakas ang pustahan sa shooting dito, lalo na kung linggo dahil walang pasok ang mga matatanda.

Sa aking unahan ay may pa-krus na daan at sa kanang bahagi ng kanto nito ay naroon ang tindahan n aling Doray. Ang bilihan namin ng lahat ng aming panga-nga-ilangan sa bahay at kadalasan pag walang-wala ay s'ya din naming inuutangan.

Pakiramdam ko noon ay parang nagising ako sa isang mahabang pagkakatulog. Ang mga bagay na noon ay hindi ko binibigyan ng pansin ay naghuhumiyaw ngayon sa aking harapan.

"Sino ang mga taong ito at ano ang ginagawa namin dito sa mundong ito?" sumunod ko pang tanong. Ngayon ko biglang naunawaaan na itong buhay na ito ay hindi lamang isang ordinaryong drama na katulad ng pagkakaintindi ng karamihan. Ang buhay na ito ay totoo at may malalim na kahulugan at katotohanan, ang buhay na ito ay isang kahiwagaan.

Doon nagsimula ang aking pag-aaral tungkol sa kahulugan ng buhay.

"Kailangang malaman ko ang kasagutan sa aking mga katanungan". Hamon ko sa saking sarili. Kaya pag-uwi ko sa amin ay agad kong tinanong ang aking nanay tungkol sa aking mga katanungan.

" Nay, Sino po ba ako?" Inusenteng na tanong ko sa aking ina.
"Bakit ako nandito sa mundo?" Sunod kong tanong.
" Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito?" dugtong ko pa.

"Ano ka ba naman anak,?"May pagtatakang sagot ng Nanay ko. "Eh di ikaw si Joel, ang anak namin ng Tatay mo." Sagot ng Nanay ko na para bang wala nang ibang maisip.

"Hindi, ang ibig kong sabihin Nay,kung sino ko ako kung wala akong pangalan?" Sagot ko naman.

Napatigil si Nanay sa kanyang ginagawa, naglalagay sya ng asin sa isdang kanyang ipi-prito para ulam namin sa pananghalian, sabay harap sakin at tila ngayon nya lang naisip ang implikasyon ng aking simpleng tanong. Matapos ang ilang sandali ng pag-iisip, ay malumanay nya akong sinagot.

"Alam mo anak, hindi ko alam ang sagot sa katanungan mong iyan, sapagkat hindi rin itinuro sa akin 'yan ng aking mga magulang". Tugon sakin ng aking nanay na parang may panghihinayang. At natuklasan ko na hind rin pala alam ng nanay ng lola ko ang sagot sa tanong na iyon kaya wala talaga akong maaasahang sagot mula sa Nanay ko.

"Ang mabuti pa, ang tatay mo nalang ang tanungin mo tungkol sa bagay na yan." Suhestiyon nya sa akin na parang nagbibigay ng pag-asa.

At gayon nga ang aking ginawa, pagdating na pagdating ng tatay ko ay sinalubong ko agad sya ng aking mga katanungan. At habang tinatanggal ko ang sintas ng kanyang sapatos ay nakatitig ako sa kanyang mukha at naghihintay ng kanyang sasabihin. Ilang segundo din siyang natahimik , tila naghahanap sya sa kanyang memorya ng maitutugon sa akin. At sa wakas ay nagsalita din sya.

"Anak, pasensiya kana, hind ko din masasagot ang iyong mga katanungan, dahil hind pa pumasok sa aking isipan ang mga katanungang yan, kundi ngayon lamang na naitanong mo ." Paghingi ng dispensa ng aking ama.

"At hindi rin namin napag-usapan yan ng iyong Lolo at lola." dugtong pa nya.
"Siguro, ang mas magandang tanungin mo tungkol sa bagay na iyan ay ang mga pari, sapagkat sila ang mas may malalim na kaalaman tungkol sa mga bagay na yan." dugtong pa nya na may tono din ng pag-asa.

"Kung hindi alam ng aking mga magulang at ng mga magulang nila ang katotohanan tungkol sa kanilang sarili, ibig bang sabihn na ang henerasyong ito ngayon ay naliligaw ng landas? Kung gayon, walang nabubuhay na tao sa mundo ngayon ang tunay na nakaka-alam sa buong katotohanan." Pagbibigay ko ng liwanag sa aking sarili.

Magmula noon ay hinanap ko na ang kasagutan sa aking mga katanungan. Nabigahani ako sa kagalingan ng siyensya sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay kaya ito ang una kong pinag-aralan. Kaya ang kursong kinuha ko sa college ay Bachelor of Science in Industrial education Major in General Scence.

Ang mga teknolohyang ating tinatamasa ngayon ay produkto ng Syensya o, Agaham. Napakalaki ng natutulong nito sa ating pag-unlad, hindi lamang sa ibat-ibang larangan kundi lalo't higit sa kaunlaran ng kaisipan ng tao.

Subalit natuklasan ko na ang Syensiya hindi ay hindi pa rin perpekto. Trial and error din ang kanilang ginagamit sa pagtuklas ng mga bagay. Marami pa din silang pagkakamali na nagagawa at hind rin nila nasasagot ng mahusay ang maraming katanungan, kasama na dito ang sa akin. Ang tinatanggap lang kasi nilang bilang totoo ay ang mga bagay na nakikita, nahihipo, nasusukat at natitimbang, anu mang bagay na hindi papasok sa mga kartegoryang ito ay hindi nila tinatanggap bilang totoo.

Ang mga bagay naman na hindi kayang sagutin ng syensiya ay pilit namang sinasagot ng mga relihiyon. Ang batayan naman nila ng katotohanan ay pananampalataya. Dito naman ako naghanap ng kasagutan.

Napakaraming klase ng relihiyon sa mundo. Ito ay dahil narin marahil sa ibat-ibang lahi, kultura, tradisyon at panahon ng pagkakatatag. At sa bawat isang punong relihiyon o, paniniwala ay hinahati pa ito ng mga sekta. Kagaya ng Kristiyanismo, ito ay nahahati sa mga Romano katoliko, Protestante, iglesiya ni Kristo at iba pa. Gayun din naman sa Islam, ito ay hinahati-hati sin sa mga ibat-ibang sekta, kagaya ng Shite muslem, Sufi moslem at ba pa.

Ibat-iba ang kanilang pamamaraan at paliwanag subalit iisa din ang kanilang tinutukoy, na may iisang Dios na maylalang sa ating lahat.

"Ang Dios ay pag-ibig". Ito ang itinuturo nila sa mga tao, subalit nag-aaway-away sila at pumapatay alang-alang dito.

"Ang ibig ng Dios sa tao ay kapayapaan at pagkakaisa". Isa pa sa mga turo nila, subalit nagsisiraan sila at nagkakanya-kanya

"Magbigay tayo at tulungan natin ang mga naghihirap". Ang samo nila sa atin, pero ang totoo'y sa mahihirap sila kumikita at sila ang nagpapasasa sa mga limos ng masa.

Ito nama ang naging problema sa reliihiyon, naging negosyo at pulitika sila, at hindi nila isinasabuhay ang kanilang mga itinuturo. Bukod pa rito, hindi pa rin nila mabigyan ng malinaw na paliwanag ang aking mga katanungan. Dahil ang kanilang mga doktrina ay naka base lang sa isang kodigo (Na tinatwag nilang Banal na aklat)na dinuktor nila kaya sila mismo ay nalilito na.

Pinasok ko at pinag-aralan ang ibat-ibang relihiyon na iyan. Sa katunayan ay labing-anim na taon akong nagserbisyo sa kanila, kaya nakita ko ang kababawan at kabulukan ng kanilang mga sistema.

"Papano ko ngayon masasagot ang mga tanong ko kung ang dalawang institusong ito (na dapat sana at gumagabay sa mga tao)ay parehong nalilgaw din ng landas?" Tanong ko sa saril ko.

Mabuti nalang at ang mahal na Dios ay tunay na buhay, at pinadama nya sa akin ang kanyang presensiya at pag-gabay.

Dinala nya ako sa mga lugar na mapagkukunan ko ng mga impormasyon na magbibigay sa akin ng mga kasagutan. Inilapit nya ako sa mga tao na makadaragdag ng aking mga kaalaman. Binigyan nya ako ng mga eksperiyensiya na makakatulong sa aking pag-aaral at higit sa lahat, ipinadama nya sa akin ang tamis ng kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng isang sulyap sa kanyang kaluwalhatian.

At doon ko natagpuan ang kasagutan sa aking mga katanungan, sa kanyang kaluwalhatian na sya mismo ang nagpadama sa akin.

Sa wakas ay alam ko na ang kasagutan sa aking mga katanungan. Inabot ako ng halos tatlompung taon bago ko nasagot ang mga katanungang iyon, subalit sulit naman ang kapalit ng matiyagang paghahanap. Natagpuan ko ang karunungan, kapangyarihan at buhay na walang hanggan.

"Hanapin mo muna ang kaharian ng langit, at ang lahat ng ito ay idaragdag sayo".

"Kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan, hanapin mo at iyong masusumpungan".

3 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. Sa aking paghahanap ng mga kasagutan sa aking mga tanong. Nabigyang daan ang pagkakakilala ko kay Kuya Joel. Isang taong totoo sa kanyang debosyon at propesyon. May pusong matulungin at hindi sakim sa kanyang kakayahang makatulong sa iba. Mahiwaga ang naging daan ng aming pagkakakilala nasa ibang panig ako ng mundo pero binigay sya sa aking ng panginoon upang ako ay gabayan sa oras ng aking pangangailangan. Marami rami na rin akong mga tanong na nabigyang linaw dahil sa kanya at patuloy ko rin tinutuklas ang mga sagot sa iba ko pang katanungan. Naniniwala ako na sa gabay at tiyaga ni Kuya Joel maaabot ko rin ang finish line na tinatawag kada yugto or chapter ng aking buhay. Sa ngayon, pilit ko pa rin tinitibayan ang aking paniniwala na ang transpormasyong nangyayari sa aking buhay ay may magandang dahilan gaano man ito ka hirap. At alam ko makakamit ko rin ang espesyal na regalo sa akin ng ating may likha.Patuloy akong nagpapasalamat sa suporta at walang pag iimbot na pagbahagi nya sa akin ng kanyang mga nalalaman. Mahirap man paniwalaan pero sadyang may katutuhanan kong bubuksan lamang natin ang ating kaisipan sa hiwaga ng buhay.

    ReplyDelete
  3. mapagpalang araw!kmusta padeng Joel at pamilya dyan? magandang ang nilalaman ng artikulo mo talagang mahiwaga ang mundong gagalawan ng kahit sinong makakabasa nito. ano pa ang hinihintay mo bakit hindi mo pa ilathala mahiwagang daigdig? upang mabasa ito ng mga tao na nawawalan ng pag-asa sa buhay at nangangailangan ng gabay na magbibigay inspirasyon sa buhay ng isang tao...ApoMiguel...ARAM,ACDAM,ACSADAM,SHALOM!!!

    ReplyDelete