Sunday, January 9, 2011

Ikalawang pagdalaw sa Astral Plane

Ikalawang pagdalaw

Masayang-masaya ako noong araw na iyon. Di kasi'y nakahanap ako ng libro ni Carlos Castañeda sa tumpok ng mga bargain sa Alemars bookstore sa Avenida. Matagal-tagal ko ding inasam na makabli ng libro ni Castañeda na noon ay nasa ika-apat palamang sa kanyang mga serye (Ito ay nasa unang bahagi ng dekada otsenta).

Ang nabili ko nung araw na yon ay ang kanyang ikalawang aklat na ang pamagat ay "Separate Reality". Daig ko pa ang tumama sa huweteng sa aking tuwa, mantakin mo naman, sa dinami-dami ng mga libro na nakatumpok na parang bundok ay nakuha ko pa ang librong iyon na nag-iisa nalamang ayon sa sales lady.

Libangan ko kasi ang magbasa ng mga pocket books kahit noong ako ay nasa highshool pa lang. Pero ang mga binabasa kong libro ay mga non-fiction lamang. Wala kasi akong hilig sa mga fiction at romance, ang gusto kong basahin ay 'yung mga misteryoso pero totoong pangyayari. Sabi nga nila, "The truth is stranger than fiction."

Ang mga paborito ko noon ay ang mga sinulat nina Lobsang Rampa, Carlos Castañeda, Jane Roberts, Ruth Mongomery at ang mga libro sa Occult o, supernatural section ng Natonal bookstore, Alemars at Goodwill Bookstore.

Ang mga aklat na fiction o, kathang isip lamang ay hindi ko gaanong binabasa dahil nasa puso ko din ang pagsusulat,(Wala pa akong nasusulat na libro noong mga panahong iyon) feeling ko kasi kayang-kaya ko din magsulat ng kahit na anong ficton stories, kaya wala itong challenge sa akin.

Pagdating ko sa bahay ay agad kong sinimulang basahin ang librong iyon. Enjoy na enjoy ako sa pagbabasa sapagkat napaka-rebolusyonario ng mga konsepto ni Don Juan Matus, ang Mexican indian sorcerer na naging guro ni Castañeda. Napaka-hiwaga at kahindik-hindik ng kanilang mga naging karanasan na pati ang aking mga paniniwala ay naapektuhan at nagkaroon din ng malaking pagbabago ang aking pananaw sa buhay.

Gabi na ng makatapos ako sa aking pagbabasa, kaya naghanda na ako para matulog. Maya-maya pa'y naiidlip na ako. Ang aking diwa ay nasa pagitan na ng pagkagising at pagkatulog o, ang tinatawag na twilight zone or deep alpha level.

Nang ma-realize ko na ang aking diwa ay nasa ganitong kalagayan, agad kong sinamantala ang pagkakataon upang makalabas ako sa aking katawan. Sa kalagayang ito ng diwa o, tinatawag ding altered state of consciousness, ang aking astral matrix ay nakahiwalay na ng bahagya sa aking physical body. Kaya anoman ang gawin kong pagkilos sa pagkakataong ito ay hindi ko ma-igagalaw ang anomang bahagi ng aking physical na katawan, Dahil ang kontrol ko ngayon ay nasa astral body na.

Ito ang dahilan kung bakit minsan, kapag naidlip ka at parang binabangu-ngot ka ay hindi mo mai-galaw ang anomang bahagi ng iyong katawan. Sakatunayan, nasa astral body ka na kaya gising pa ang iyong diwa at kaya wala ka nang kontrol sa iyong pisikal na katawan. Hindi ito bangung-ngot, kundi natakot ka lang dahil nararandaman mo na ang physical world sa pamamagitan ng iyong astral senses.

Sinamantala ko ang pagkakataong iyon, agad akong pumitlag at pina-ikot ko ng mabilis ang aking astral body. Sa gayon ay tuluyan na itong nakahulagpos sa pagkakatali sa aking pisikal na katawan. Gayon nga ang nangyari, lumutang akong pataas na parang lobo. Ang gaan-gaan ng aking pakiramdam. Huminto lamang ang aking pagtaas nang dumaiti na sa kisame ang aking ulo. Nakatayo ako sa may kisame, at ilang saglit din akong lumutang-lutang doon.

Gising na gising ang aking diwa at mga pandamdam. Ang kadiliman ng gabi ay tila maliwanag sa aking paningin at paminsan-minsan ay may nag-kikislapang mga tuldok ng kulay saan man ako bumaling. Tumingin ako sa ibaba at naaninag ko ang hugis ng aking katawan sa loob ng kulambo, gayun din ang aking mga kapatid na nasa kabilang kulambo naman natutulog.

Sinubukan kong igalaw ang aking astral na kamay at paa upang malaman ko kung hanggang saan ang aking kontrol sa aking astral body, at naigalaw ko naman ang mga ito. Ang hindi ko lang alam ay kung papano bababa mula sa aking kinalalagyan.

Iba ang pagkontrol sa astral plane, ang pagkilos dito ay hindi sa pamamagitan ng musclekundi sa pamamagitan ng isip at kagustuhan lamang. Ginusto kong bumaba, kaya unti-unting bumaba ang aking katawang astral, hanggang sa lumapat sa sahig ang aking mga paa. Pagkuwa'y lumakad ako patungo sa hagdan na ang pakiramdam ko ay normal naman, katulad ng lagi ko nang ginagawa.

Bumaba ako at nagtuloy sa aming sala, pero madilim doon kapag ganitong gabi at natutulog na ang lahat.Subalit ngayon ay nakikita kong malinaw ang palgid na parang nakabukas ang mga ilaw. Ang pagkakaiba nga lang ay may mga malliit at ibat-ibang kislap ng kulay akong nakikita sa ere na natural na sa astral world.

Kakaiba ang ayos ng salang ito ngayon kaysa dati ko nang nakikita, subalit naroon pa rin ang damdamin ng pag-kilala. Nagtungo naman ako sa aming kusina at hapag kainan, wala namang gaanong naiba maliban nalang sa naging mas malawak ito kaysa dati.

Nagbalik ako sa sala at humarap sa aming pintuan na nakasarado, dito naisip ko na mag eksperimento.

       "Kung talagang nasa astral na ako, dapat kaya kong lumagos sa pintuang ito!". Sabi ko sa sarili ko.

       "Pero kung hindi naman, siguradong bukol ang aabutin ko nito!" pag aalala kong naisip.

       Napakalinaw naman kasi ng paningin ko at pakiramdam, gising na gising talaga ako. Pero 'yun na nga, kailangan kong patunayan sa sarili ko na totoo nga na nasa astral na ako.
       Kaya lakas  loob kong hinarap ang makapal na pinto, sabay sikad at patakbo kong
dinaluhong ito. Inaantay kong kumalabog at bumangga ang mulha ko pero parang walang nangyari. Wala naman akong tinamaan kung ano, nakita ko nalang na nasa labas na ako ng aming bahay, nasa likuran ko na ang aming nakasaradong pinto.

        Masaya ako dahil nagtagumpay na naman ang aking eksperimento. Ngayon sigurado na ako, makakapaglakbay na ako sa astral plane hanggang gusto ko. Kaya iyon lang at tumakbo na ako ng mabilis sabay lundag at parang jet plane akong sumirit sa papawirin ng gabi. Ninamnam ko ang sarap ng malamig na hangin na pumpagsapas sa aking mukha at katawan habang ipinagdiriwang ko ang aking kalayaan.
 

No comments:

Post a Comment