Sunday, January 9, 2011

Unang pagdalaw sa Astral Plane

Unang pagdalaw sa Astral plane

Malalim na ang gabi nang ako ay humiga sa aking kama upang magpahinga. Tulad ng dati ko nang ginagawa, galing na naman ako sa pakikipag-huntahan sa aking mga barkada dun sa kanto.

Tulog na ang lahat kaya parang paa ng pusa ang aking mga hakbang upang walang magising sa aking mga kasambahay, lalo na ang aking Nanay, siguradong sermon na naman ang aabutin ko. Tahimik nang natutulog ang aking mga kapatid na sama-sama sa isang malaking kulambo sa isang banda ng aming malaking kwarto. Ang Nanay at Tatay ko naman ay nahihimbing na din sa kabilang dako. May sarili akong kama sa may gilid, pagkaakyat lang ng hagdan kaya hindi ko naman sila maiistorbo paghiga ko doon.

"Ahhh! Kay sarap mahiga", bulong ko sa aking sarili. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod ng aking katawan sa maghapong lamyerda, nang lumapat na sa malambot na kama ang aking likod.

Bagamat nakalatag na ang aking katawan, ay patuloy pa din ang pag-inog ng aking isip. Ipina-flash back nito ang mga pangyayaring naganap ng hapong iyon. Ilang saglit pa at nakikita ko na ang ibat-ibang tanawin sa aking balintataw, tanda na malapit na akong makatulog.

Nakaka-aliw panoorin ang mga tanawing dumadaan sa aking paningin, napaka-gaganda at napaka makulay ng mga ito. Hanggang sa dumating sa punto na hindi na ako halos makapaniwala sa sobrang linaw ng mga tanawing aking nasasaksihan, parang totoong-totoo na ang mga ito.

Sa tindi ng aking kuryosidad, matiim kong pinagmasdan ang kumpol ng mga halaman sa aking harapan. Maliliit ang mga luntiang dahon nito na nababakuran ng mababang bakal na hugis baliktad na 'U'. Pinagdikit-dikit ito kaya nagsilbing mababang bakod ng halaman kagaya ng nakikita sa mga paaralang elementarya. Inabot ko ng aking kanang kamay ang maliliit na dahon nito at sinalat. Makinis ang ibabaw at medyo maligasgas naman ang sa ilalim. Mayaman ang pagka-luntian ng mga ito at tunay na namangha ako sa kagandahan ng kanilang mga bulaklak. Ang maliliit na kulay orange at dilaw na mga talulot nito ay tila mga buhay na sumasayaw sa bahagyang pag-ihip ng hangin at tila baga may liwanag na sumisinag buhat sa kalooban ng mga ito.

"Santan !Diyata't ito ay isang Santan lamang!" bulalas ko sa aking sarili.
"Subalit ito ay sampung beses na mas maganda kaysa mga totoong bulaklak na nakikita ko dito sa aming lugar". Dugtong kong may pagtataka.

Idinedretso ko ang aking katawan mula sa pagkakayuko at gayon na lamang ang aking pagkabigala sa aking nakita. Tumabad sa aking harapan ang isang malawak na hardin nang mga nag-gagandahang bulaklak na ang karamihan ay noon ko lang nakita. Kataka-takang nagnining-ning ang ibat-iba nilang kulay. Tumingin ako sa aking likuran, sa kanan, sa kaliwa, ganoon din ang aking nakikita. Noon ko napagtanto na ako ay nasa gitna ng isang napaka-ganda at mahiwagang hardin. Hindi ako makapaniwala.

"Di yata't nasa loob na ako ng aking panaginip?" anas ko sa aking sarili.
"Ang alam ko'y nakahiga lang ako kanina sa aking kama, ngunit ngayon ay narito na ako sa lugar na ito, kamangha-mangha!" dugtong ko pa.

Alam kong nasa loob na ako ng aking panaginip, pero gising na gising ako. Gising na gising ang buong diwa ko at mga pandamdam. Para akong nasa loob ng cyber space.

"Ah! Ito na marahil ang tinatawag nilang Astral plane!"
"Kung gayon ay maaari ko nang gawin dito ang anomang ibig kong gawin."Masaya kong sambit sa sarili.

Iyon ang sabi sa mga nababasa ko sa mga aklat na isinusulat nga mga eksperto tungkol dito. At ganon nga ang aking ginawa, tumingala ako sa napakagandang bughaw na langit at bigla akong lumundag na paitaas.

"Lilipad ako!" Utos ko sa aking sarili.

Mabilis nga akong pumailanlang na pa-itaas. Tila walang gravity sa lugar na iyon. Dama at dinig ko ang pagaspas ng aking damit sa aking katawan sa bilis ng aking paglipad. Dama ko din ang malakas na hampas ng hangin sa aking mukha at ang malikot napagsasayaw ng aking mahabang buhok.

Napakasarap ng aking pakiramdam ng mga sandaling iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon ko lang naranasan ang tunay na kahulugan ng KALAYAAN. Hindi na ako sakop ng batas ng tao at nang kalikasan. Kahit na ang aking katawang mortal ay wala nang kapangyarihan sa akin.

"Ganito din marahil ang pakiramdam ng taong namatay na at lumisan na sa kanyang katawang lupa". Pagtanto ko sa aking sarili.

Kapayapaan, kapanatagan, kalayaan at labis na kaligayahan ang tangi kongnararamdaman sa mga sandaling iyon.

"Ahhh! Kay sarap lumipad!" Sambit ko pa.
"Ako si Superman!" sigaw ko ng malakas. Iyon lang at nagbago na ang damit ko, naging kulay asul ito na may tatak na malaking 'S' sa dibdib.

Ako nga ay naging si Superman, lalongb bumilis ang aking lipad, parang jet plane na sumisirit na paitaas sa bilis na Mach 1 supersonic!

Sa totoo lang,ayaw ko na sanang matapos ang tagpong iyon, ang aking kaligayahan ay walang katpusan. Nakalimutan ko nang lahat ang aking mga problema sa buhay, pati na ang mga kaugnayan ko sa mga tao at mga pangyayari sa buhay ko.

Mistula akong lobo na naka-alagwa sa langit, malaya at walang pakialam. Aliw na aliw ako sa aking paglalaro sa kalawakan, matagal kong ninamnam ang kakaibang kaligayahang iyon, pati ang oras ay walang epekto sa akin.

Ngunit ang lahat ng ito ay biglang nagbago ng sumingit sa aking isipan ang munting pag-aalinlangan.

"Teka! Teka!" Bigla kong naisip.
"Papano pala mangyayari ito eh, samantlang nasa amin ako at nakahiga na sa aking kama? Pagtatanong ko sa aking sarili.

"Hindi ako pwedeng mapunta dito dahil alam kong nasa bahay ako ngayon!" Pag-ukilkil ng isip ko.

Mabuti nalang at hindi naman ako tuluyang nahulog sa lupa. Nakakalipad pa rin ako ngunit mababa na lamang. Natuwa na rin ako kahit papano dahil sa ngayon ay nasa ibabaw ako ng mga puno lumilipad. Kay gandang pagmasdan ng mga puno mula sa kanilang tuktok. Paminsan-minsan ay sumasayad ang aking mga paa sa kanilang mga dahon.

Hinaplos-haplos ko ang mga dahon ng isang puno ng mangga, buhay na buhay ito at tila kumakapit din sa aking kamay bilang ganti sa aking paghaplos. Dahan-dahan pa ding bumababa ang aking paglipad, hanggang marahang sumayad ang aking mga paa sa lupa. Perfect landing ang nangyari.

Naglakadlakad ako at nagsimula nang magbago ang kulay ng paligid. Unti-unting nawala ang ning-ning at kinang ng mga kulay nito. Nagkaroon na din ng mga tao at nag-iba na ang lugar. Napunta ako sa isang plaza na maraming mga taong naglalakad sa ibat-ibang direksiyon.

Tuluyan nang nawala ang kinang ng paligid at nagbalik na ito sa pagiging isang imahinasyon na lamang. Nararamdaman ko na ngayon ang aking kama sa aking likuran, tanda na ako ay nakabalik na sa aking pinagmulan, ang physical plane.

Nanumbalik nang muli ang pokus ng aking diwa sa kasalukuyan, na ako'y nagmumuni-muni sa katulad din ng bago ako maglakbay sa kabilang dimensyon. Marahan akong dumilat at gumuhit ang ngiti sa aking mga labi.

"Tagumpay! Nagtagumpay ako!" Sigaw ko sa aking isip.
"At maluwalhati pa akong nakabalik mula sa aking paglalakbay, na walang patid ang aking diwa!" Pagmamalaking sabi ko pa sa aking sarili.

No comments:

Post a Comment